Martes, Hulyo 24, 2012


Walang Panginoon

WALANG PANGINOON
ni Deogracias Rosario

Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isiniksik niya ang kanyang ulo kahi't saan. Saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipinapasak sa mga butas ng kanyang tainga. Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayon man, kahi't saan siya magsiksik, kahi't saan siya magtago, kahi't na anong gawin niyang pagpapasak sa kanyang tainga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw.
"Tapos na ba?" Tapos... ang sunud-sunod namang itinutugon ng kanyang ina na paniwalang-paniwala hindi nga niya naririnig ang malungkot na animas.
"Ngunit, Marcos…" ang baling uli ng matandang babae sa anak. "Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? Iya'y nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Una-una'y ang iyong ama, ikalawa'y ang kapatid mong panganay, ikatlo'y ang kapatid mong bunso, saka… saka si Anita." Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae.
Si Marcos ay hindi kumibo. Samantalang pinapangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galling sa pagkapikit kaya't nanlabo pa't walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manlilisik at mag-aapoy.
Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subali't sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may pangungusap, may nagsasalita.
"Dahil din sa kanila, lalung-lalo na kay Anita, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng batingaw," ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang huwag ipahalata sa ina ang pagkuyom ng kanyang damdamin.
Akala ng ina'y nahuhulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naiisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagka't hindi pa natatagalang namatay si Anita. Ang magandang anak ni Don Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pag-iimpok na ginagawa upang maging isang ulirang anakpawis ay ukol kay Anita. At siya'y namatay! Naramdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ay kanyang ibig libangin. Ito ay nais niyang aliwin. Kung maaari sana'y mabunutan niya ng tinik na subyang sa dibdib ang kanyang anak.
"Lumakad ka na Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila, o, baka kailanganin ang mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara," ang sabi ng ina. "Walang pagsalang masasayahan ka roon."
"Si Inang naman," ang naibulalas na lamang ni Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasasabi nang malakas. Sa kanyang sarili'y naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang pait para sa kanya ang pagkamatay ni Anita, palibhasa'y lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay na nangyari sa pagkamatay nito.
Kung nalalaman lamang ni Inang ang lahat, ang nasasabi niya uli sa kanyang sarili samantalang minamasdan niya ang isang ulilang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan, na ipinapalagay niyang kaluluwa ni Anita, "disi'y hindi ako itataboy sa kasayahan."
Pinag-uusapan pa lamang ng mag-ina nang umagang yaon ang malaki nilang kapalaran sapagka't mabuti ang lagay ng tanim nilang palay nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating taglay ang utos ng hukumang sila'y pinaaalis sa kanilang lupang kinatatayuan. Sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka.
"Inang, matalim ba ang itak ko?" ang unang naitanong ng anak sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman.
"Anak ko!" ang palahaw na pananangis ng matandang babae, sabay lapit sa leeg ng anak. "Bakit ka mag-iisip nang gayon, sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?"
Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag ng kalooban ng binata. Gayon man, sa harap ng bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay isa-isang nagbabalik sa alaala niya ang malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka.
Ang sabi'y talagang sa kanunu-nunuan ng kanyang ama ang naturang lupa. Walang sino mang sumisingil sa kanila ng buwis at walang sinumang nakikialam sa anumang maging bunga ng kanilang mga tanim, maging mais o tubo, o kaya'y maging anuman sa mga gulay na tanim nila sa bakuran.
Subali't nang bata pa ang kanyang ama ay may nagsukat ng lupa sa sinsabing kanila. Palibhasa'y wala silang maibabayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan nang di nila makuhang umalis doon.
Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila'y isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit nagtatagal, unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa maylupa dahil sa mga kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, ..:namespace prefix = st1 ns = "urn:schemas-microsoft-com:office:smarttags" />gaya ng takipan at talinduwa.
Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil sa malaking sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niya'y namatay din sa paglilingkod sa bahay nito, at higit sa lahat, nalaman niyang kaya namatay si Anita ay sapagka't natutop ng ama nakipagtagpo minsan sa kanya sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan.
Saka ngayo'y paalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang binubuwisan?
Si Anita ay lihim na naging kasintahan ni Marcos, mahigit nang isang taon noon. Sapul nang dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa Maynila, si Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang kanyang kalagayan na halos ay lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang damo sa ilog.
Si Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa iskuwelahan na silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking numero. Nguni't gayon man, nagsikap siyang idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay Marcos ang hilig sa pagkatuto sapagaka't sa pag-anib niya sa mga samahang pambayan ay natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa ni Marcos, kahi't manghiram lamang kung wala na siyang ibili. Nagbasa rin siya ng nobela at ibang akdang natutuhan niya sa wikang Tagalog o kaya'y salinwikang nito.
Lalo na nang magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, wala siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang baling araw ay maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa'y bukod sa naniniwala siya sa kasabihan, "Ang lahat ng tao, kahi't hindi magkakakulay ay sadyang magkakapantay," tinatanggap din niya ang palasak ng kawikaang "Ang katapat ng langit ay pusalian." Dahil diyan kaya kahi't bahagya ay hindi siya nag-atubili ng pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita.
At naiibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita niya ang malaking sakuna ay lumundag siya sa ilog ata sa pamamagitan ng langoy na hampas-tikin ay inabot niya si Anita na kumakamot sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin ng kaliwa niyang bisiig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw ang dalawa niyang paa sa ilalim kaya't pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagsikad ng dalawa niyang paa ay nakasapit sila sa pampang.
"Marcos, matagal na naman kitang iniibig," ang pagtatapat ni Anita sa binata, makaraan ang may ilang buwan buhat nang siya'y mailigtas.
Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang gayong ang sabi ay ari ng kanilang ninuno at binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon. At saka silang mag-ina ay itinataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayong kabuktutan.
Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo sa palad niya ang kanyang mga kuko.
Isang takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang malungkot na agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae ang nalagutan ng hinihinga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalaman na may sakit kundi si Anita. Dahil sa pagkatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti ng ayon sa nagbalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay.
Buhat noon ay nagkasakit na si Anita. Araw-araw ay tumatanggap si Marcos ng balita. At nang tangkain niyang dumalaw minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya. Maaaring maging dahilan iyon ng bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya ay mawawala.
Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinaman na lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan, pag-agaw ng lupa sa kanila. At saka noo'y pagtatangka pa sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya'y nalagutan ng hiningang siya ang tinatawag. Saka nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulo ng kanilang pawis na mag-anak.
Ngunit si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng bagong panahon, lumaki ang puso sa mga pagtitiis. Naging maluwag nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng may-lupa. Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niya'y maaari pa siyang makalunok ng bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapwat nang tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaalis sila roon, talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pa'y naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi na niya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao.
"Huminahon ka anak ko," ang sabi ng kanyang ina. "Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo."
Hindi niya itinuloy ang paghanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati'y sinakyan niya ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat sa limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at hinampas niya ng tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at panghihinayang ang ngumatngat sa kanyang puso. Gaanong pagod ang kanyang pinuhunan upang ang palay nila'y magbungang mabuti? Saka ngayo'y pakikinabangan at matutungo lamang sa ibang kamay.
Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig mang pagdiliman ang isip kung nagugunita ang utos ng hukuman, ang alaala naman ng kanyang ina'y walang iniwan sa bahagharing sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadalawa na lamang sila sa daigdig at ayaw niyang pabayaan ang kanyang ina; ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay nito, bago malagutan ng hininga ang kanyang ama.
Dahil nga sa kanyang ina, kaya naisip niya ang kabutihan kung sila'y magsasarili: "Tutungo sa hilaga at kukuha ng homestad. Kakasundo ng mga bagong magsasaka; paris ni Don Teong, kailangang magkaroon din ako ng gayak paris niya."
Kabalintunaan man ang sinabi ng anak ay hindi na nag-usisa ang ina palibhasa'y nababatid niyang sa dibdib ng binata ay may isang halimaw na natutulog na hindi dapat gambalain upang huwag magising. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon ang buong kagayakan ay isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggong gayon nang gayon ang ginagawa, hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ng matanda.
"Marcos," sabi ng matanda. "Dalawang lingo na lamang ang natitira sa ating taning ay hindi mo ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong… kung may magiging sukli man lamang tayo sa ating ani ngayon?"
"Huwag ka pong mabahala, Inang," sabi ng mabait na anak. "Nalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan."
Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man may nagunita siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak.
"Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran?" Tinutukoy niya ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos.
Maaaring magpakahinahon si Marcos, subali't ang huling kapasiyahan ni Don Teong ay namukaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit…
Nagunita niya ang sinabi ni Rizal. "Walang mang-aalipin kung walang magpapaalipin." Napailing siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don Teong – takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don Teong ay walang iniwan sa mga leeg na manok na unti-unting sinasakal hanggang makitil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang kayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang may-ari at nagbubuwis pa.
"Kailangang maputol ang kalupitang ito!" Ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahang ginawa ni Marcos.
"Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter, at latigo, anak ko?" ang tanong ng matanda kay Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan.
"Inihahanda ko po iyon sa pagiging panginoon natin, paris ni Don Teong," ang nakatawang sagot ng anak. "Kung tayo po'y nakaalis na rito, tayo'y magiging malaya," ang tila wala sa loob na tugon ng anak.
Ang totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hanggahan ng lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora, at ang suwiter, saka dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugalan ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa ito'y umuungol na ang alingawngaw ay abot hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung dumating siya'y dinaratnan niya ang kanyang inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng isang maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang malaking kandila.
"Salamat, anak ko, at dumating ka," ang sasabihin na lamang ng matanda. "Akala ko'y napahamak ka na."
Si Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong ito at ang kanilang panginoon, ay hindi makapagpigil ang isa't isa. Nalalaman din ng matandang babae na laging may dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat nang magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi niyang inaalaala ang pag-alis-alis ni Marcos.
Subalit isang hapon, samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa pagkasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila may sinumpang galit sapagka't bigla na lamang sinibad ang matanda at nasapol ang kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa katawan ng asendero ay tumilapon pa sa itaas at paglagpak ay sinalo naman ng kabilang sungay.
Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan, wasak ang suwiter sa katawan at saka ang pulinas. Kumilos agad ang maykapangyarihan upang gumawa ng kailangan pagsisiyasat subali't ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos na ayos ng kalabaw na animo'y wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking pagkakasala.
Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa'y nagkatinginan. Hindi nila malaman kung papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop.
Si Marcos ay nakatingin din sa orasan nang gabing yaon. Tatlong minuto na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw, hindi siya nababahala.
Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng dating ayaw niyang marinig ito. Sa halip na idalangin, ang kaluluwa ng mga namatay, ang naisip niya'y ang matapang niyang kalabaw.
"Mapalad na hayop na walang panginoon," ang kanyang naibulong.

Jaguar


Oras ng labasan. Nagbu-bundy clock ang mga papalabas na mga MANGGAGAWA. Nasa tabi ng desk ng security guard ang bundy clock. Nakauniporme si POLDO, nakaupo sa gilid ng desk. May kasama syang GUWARDIYANG BABAE. Iniiksamin nilang dalawa ang mga bag ng mga trabahador. Ang mga lalaki'y kinapkapan ni Poldo. Dadaan si SONNY, may bitbit na attache case. Sasalubungin siya ni Poldo. Itataas ni Poldo ang palad sa harap ng mga nakapilang manggagawa, parang pulis na nagpapatigil ng trapik. Ang ekspresyon sa mukha ni Poldo ay parang nagsasabing: relaks lang muna kayo riyan; boss ito at dapat unahin. Uunahan ni Poldo si Sonny. Ipagbubukas ito ng salaming pinto.
EXT. GASTON PUBLISHING HAPON.
Susunod si POLDO hanggang sa kotse ni SONNY. Bubuksan ni Sonny ang pinto ng kanyang kotse. Hahawakan ni Poldo ang pinto habang pumapasok si Sonny. Saka sasarhan ang pinto matapos makaayos ng upo si Sonny.

POLDO: Sir, sa Linggo, ha? Baka nyo makalimutan.
SONNY: Ano'ng sa Linggo?
POLDO: Yung piyesta sa'min.
SONNY: Piyesta..a, oo. Hindi ko makakalimutan 'yan.

Sasaludo uli si Poldo. Tatakbo patungo sa labasan ng driveway. Pasenyas- senyas at pasilba-silbato, pahihintuin niya ang trapik sa kalsada para makalabas ang kotse ni Sonny.

EXT. SLUM AREA 1. TANGHALI
Piyesta sa komunidad. May kaunting banderitas na nakasabit. Sa harapan at lob ng mga bahay- bahay, MARAMING nagkakainan, nag-iinuman, at nagkakaingayan.
EXT. BAHAY NINA POLDO. TANGHALI
Nakatayo si POLDO sa harap, may inaabangan at mukhang inip na inip. Bihis na bihis siya. May hawak na bote ng beeer at kakaunti na ang laman. Sa background, MAY MATANDANG MAG- ASAWA AT DALAWANG APONG nakaupo sa dalawang mahabanh bangko kumakain. Kinakausap ng TIYUHIN ang matandang lalaki. Ang tiyahin ni Poldo at si MARISSA ay may dalang nga bandehado ng mga ulam at nag-aalok ng mga bisita na kumuha pa. Tinutukso-tukso ni totoy ang dalawang apo- kinakalabit ang batok, pinipitik ang tenga. Nasa isang tabi ang mesitang ginagamit ng tiyuhin sa trabaho. Malinis ito ngayon, walang nakapatong na mga kagamitan ng sapaterya. Sa tabi nito, may mahabang dram na natatakpan ng sako. Uubusin ni Poldo ang laman ng hawak na bote. Lalapitan ang mahabang dram. Ititindig ang basyo sa tabi ng dram. Hahawiin ang saka. Ang laman ng dram ay mga bote ng serbesa at malalaking tipak ng yelo. Kukuha si Poldo ng isang malamig na bote. Bubuksan niya ang bote sa pamamagitan ng ngipin. Iluluwa ang tansan. Tututungga siya. Habang ginagawa ito ni Poldo. Sa background ay makikitang lumalabas sa pinto ng bahay ang kapatid niyang si AIDA, kasama ang isang pulutong ng mga kaklase. Maingay at masaya, nagpapaalam kay Aida ang mga kaklase. Papasok sa bahay si Poldo, kasunod si Marissa.
INT. BAHAY NI POLDO. TANGHALI
Sa mesa ng komedor-kusina, nakalatag ang maraming pang ibang bandehado ng pagkain, puro may takip na wax paper. Nasa banggerahan si ALING ELENA, naghuhugas ng pinggan.

ALING ELENA : Wala pa ba ang nga bisita mo, Poldo?
POLDO : (Ngumu-nguya) Wala pa ho, e.
MARISSA : Hindi kana siguro sisiputin no'n kuya. Class yata yong boss mo, e. Hindi 'yon ang tipong tumutuntong sa barung-barong.
POLDO : Oy, wag ka ngang sumali sa usapan ng matatanda, ha?MARISSA : Sayang ang pinambili mo ng beer. Sana kuwatro kantos nalang ang binili mo, Tayu-tayo lang pala ang iinom.
POLDO : Ako ba'y talagang niloloko mo?
ALING ELENA: Poldo, kumain kana. Pasado ala-una na, baka ka malipasan. Tapos na kaming lahat.
POLDO : Kumakain na nga ho. Ano pa ba 'tong ginagawa ko? ALINGELENA : Ba't hindi ka kumuha bg pinggan at umupo nang maayos? Maiimpatso ka niyan sa ginagawa mo. Tamo, ni hindi ka nagkakakain. Ang dami naming kanin diyan.
Nagsasalita pa si Aling Elena ay maririnig na ang boses ng TIYUHIN mula sa labas.

TIYUHIN : (Voice over) Poldo! Mga bisita mo! Eto na! (sa mas mahinang boses) Tuloy na ho kayo, nasa loob ho si Poldo. Aida samahan mo ang mga bisita ng kuya mo.
Mabilis na isusubo ni Poldo ang kapirasong ulam na hawak niya. Ipapahid ang daliri sa gilid ng mantel. Lakad-takbong pupuntahan ang pinto. Hustong pumapasok naman si Aida, kasunod sina SONNY, DIREK, CRISTY, EDMON, JING at BOSYO. Si Sonny ay may hawak na bote ng stateside whisky.

POLDO : Tuloy kayo, tuloy. Akala ko hihiyain n'yo ko e. SONNY : (inaabot ang bote ng whisky kay Poldo) Pwede ba 'yon? Eto nga't may pasalubong pa ako.
POLDO :' Nay mga….kaibigan ko…Boss ko ho, si…a…si Sonny. ALING ELENA : Magandang tanghali po.
SONNY: Magandang tanghali po naman.
ALING ELENA :O, Poldo, bigyan mo ng mga pinggan yang mga bisita mo. Aida, Marissa, tumulong muna kayo rito. 'Yong mga napkin, ilabas niyo.

Habang kumukuha ng mga pagkain sina Sonny, abalang-abala si Poldo sa pag-iistima sa kanila. Excited sya, tuwang-tuwa. Si Cristy ay walang ekspresyon sa mukha, parang napilitan lang sa pagkakapunta rito. Si Sonny naman ay parang pulitikong nasa kanyang balwarte.

POLDO : Itong morkon, Sonny, Direk - ito ang ispesyalidad ni inay. Cristy, kuha lang, ha? Jing, Edmon, abot lang. Bosyo.
SONNY : O, Cristy, tikman mo raw 'tong morkon. Ikaw Poldo, huwag kang mahihiya,ha? Feel at home.

EXT. BAHAY NINA POLDO. HAPON.
Malakas ang tawanan, parang karugtong ng tawanan sa nagdaang sequence (Eksena). Nagtawanan ang mga LALAKING BISITA ni Poldo. Lasing na ang lahat. Nakaupo sila sa magkaharap na bangko. Nasa gitna nila ang mesita ng sapatero. Nasa ibabaw nito ang bote ng beer; isang mangkok na na may lamang halos tunaw nang yelo; isang bandehadong pulutan. Nakatayo si Poldo sa may likuran ni Sonny, parang anghel de la guwardiya. Sa background, makikitang nakabukod si Cristy, kinukwentahan at iniistima ng husto ng Ina at mga kapatid ni Poldo. Nakikinig lang si Cristy.

DIREK : (Iaabot kay Poldo ang mangkok)Wala na tayong yelo, Jaguar.

Sa mababang dram, magtitipak ng yelo. Ibinubuhos ni Direk ang natitirang laman ng whisky sa baso niya. Umiihi si Bosyo sa isang sulok. Kumakanta si Sonny - wala sya sa tono.

SONNY : " Si Bosyo kung umihi, sumasagitsut pa nang konti.."

Hagalpakan na naman ng tawa. Bigla, makakarinig sila ng mga
hiyawan at pagkaingay sa di kalayuan. Mapapatingin ang lahat sa pinagmulan ng ingay. )

POV (point of view) NINA POLDO DALAWANG MATON nagmumurahan, naggigirian pormang magkakatirahan. Nakapaligid ang iba pang tambay at maton, nagmimiron, nanunulsullsol. Puro lasing ang mga ito. BALIK KINA POLDO Nakatingin pa rin ang lahat. Nakatayo na si Sonny.

SONNY : Ano 'yon?
POLDO : Wala 'yan. Talagang ganito dito kung piyesta- hindi nawawalan ng gulo.

BALIK SA MGA MATON Biglang susugod ang ang isang MATON. Magkakasutunkan na ang dalawa. Titilapon si TAMBAY 1 sa hanay ng mga KABARKADA ng kalaban niya. Magsusuguran na rin ang mga barkada ni Tambay 1. BALIK KINA POLDO. Nakatayo na rin si Direk sa tabi ni Sonny..

SONNY : Labu-labo na brod.
DIREK : Oo nga, brod.

Magkakatinginan ang dalawa. Magtatawanan. Takang mapapatingin si Poldo sa kanila. Itataas nina Sonny at Direk ang kanilang mga baso, pagpipingkiin ang mga ito sa isang toast, at uubusin ang laman sa isang tungga. Pagkatapos, parang iidiyan na hihiyaw ang dalawa-"Yahoo!"- at mabilis na tatakbo papunta sa gulo. Saglit na mapapanganga si Poldo. Saka magmamadaling iiling-iling pa na para bang sinasabi sa sariling: eto na naman po kami. Patuloy lang sa pag-inom sina Edmon at Jing, parang walang napapansing kakaiba. Takot at nininerbiyos si Cristy.

CRISTY : Sira-ulo talaga ang mga 'yon.
JING :Magpapawis lang ang mga 'yon. Mag-aalis lang ng lasing.
EDMON :'Yan ang katuwaan ng frat nila - rumble
CRISTY : Walang frat- frat dito. Baka sila malagyan ng gripo sa tagiliran.

Sa labu-labo, nakaawa pa sina Sonny at Direk habang nakikipagsuntukan at nakikipagbalibagan. Sinundan-sundan ni Poldo si Sonny. Seryoso si Poldo. Bahagi ito ng trabaho niyang ipagtanggol ang kanyang amo. Sa kasusunod ni Poldo, masusuntok sya ng kalaban ni Sonny. Matatawa si Sonny sa nangyari. Bibirahin ni Poldo ang nakasuntok sa kanya. Titilapon ito. Magpa-flying kick si Direk. Makakailag ang tinatarget nya. Sa halip, si Poldo ang tatamaan. Iilandang ito, babalandra sa isang tabi. Grogi at nakasalampak sa putikan, may biglang maaalalasi Poldo. Ilalabas nya ang silbato sa bulsa. Sisibato siya ng malakas at sunud-sunod. May mga sisigaw ng "Parak! Parak! Magpupulasan ang mga naglalabu-labo. Maiiwan sina Sonny, Direk at Bosyo. Pagtatawanan nila si Poldo sa kinalalagyan niya. Mapapaangil na rin si Poldo.

INT. BAHAY NINA POLDO. GABI
Nasa harap ng salamin si Poldo. Naglalagay ng merthiolate sa mga pasa-pasa sa mukha. Titestingin niya kung matatag pa rin ang panga niya. Sa bangerahan, naghuhugas, naghuhugas ng pinggan sina AIDA at MARISSA. Nakahiga sa sahig si Totoy, tulog.

MARISSA:Kuya, tulungan mo naman kami dito.
POLDO: Kayo ang babae, kayo ang maghugas.
AIDA : Bisita mo ang gumamit nito a! Habang nagaganap ang pag- uusap na ito, papasok si aling Elena. Bubuhatin niya si Totoy at panunuorin si Poldo.
ALING ELENA : Bakit naman ganun yung mga bisita mo, Poldo? Naturingan pa namang may pinag-aralan e nakikihalo sa may gulo ng me gulo? POLDO : Nakainom lang ho 'yon.
ALING ELENA : At bakit pati naman ikaw e nagsasasali? Mga tagarito pa sa'tin ang inaway mo.
POLDO : Amo ko ho 'yong napalaban, Inay, kelangan e damayan ko. Trabaho ko ho 'yon.
ALING ELENA : Aba'y trabaho na pala ang basag-ulo? Kung ganyan rin lang, mabuti pa e maghanap ka na ng ibang trabaho.

Tatalikod sa salamin si Poldo at haharapin ang ina.

POLDO : Inay, hindi ko ho ipagpapalit itong trabaho ko ngayon. Palagay ko ho, narito ang asenso ko. Ngayon pa lang swerte na ako. ALING ELENA : Suwerte?
POLDO : (tuloy-tuloy lang, parang walang narinig) Biro nyo may amo akong ang turing sa akin e kaibigan. May kaya 'yan, may tinapos. Ako hanggang hayskul lang, mahirap pa sa daga. Pero ang tingin sa'kin, pantay lang.parang kapatid.
MARISSA : Kapatid ba 'yong lagay na 'yon? Ang tingin ko inaatsoy-atsoy ka ke,e. Saglit na matititigilan si Poldo. Pagkatapos ay babaling sa kapatid na nanlilisik ang mga mata.
POLDO : ( NAGPIPIGIL NG GALIT) Ilang beses ko bang sasabihin sa'yong huwag kang makikihalo sa usapan ng matatanda.

Kwento Ni Mabuti


Ni Genoveva Edroza-Matute
Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya’t nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungan sa kanya ko lamang natutuhan.
Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyang anyo… at sa kanyang buhay…
Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanyang ng pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga panunugutan sa paaralan, walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya.
Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya maalaala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang paraang malirip, iyon ay naging salamin ng uri ng paniniwala sa buhay.
“Mabuti,” ang sasabihin niya, “… ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito… Mabuti… Mabuti!”
Hindi ako kailanman magtatapat sa kanyang ng anuman kung di lamang nahuli niya akong minsang lumuluha; nang hapong iyo’y iniluha ng bata kong puso ang pambata ring suliranin.
Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.
“Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. “Tila may suliranin .. mabuti sana kung makakatulong ako.”
Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan ay ibinilang kong kahihiyan ay kababaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat na luklukan.
“Hindi ko alam na may tao rito”….. naparito ako upang umiyak din.”
Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi.
Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na klamang ang tinig sa pagtatapat sa suliraning sa palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat. Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit, siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat.
Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na nang bigla akong makaalala.
“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo ng pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyo na … iniiyakan ko?”
Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na … iniiyakan natin… nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig: “sana’y masabi ko sa iyo, ngunit… ang suliranin.. kailanman. Ang ibig kong sabihin ay … maging higit na mabuti sana sa iyo ang … buhay.”
Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon,.. “Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumataginting sa silid naming ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa aming sulok na iyong… aming dalawa…
At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang sinasabi. Ngunit, sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno siya ng maririkit na guni-guni ang aming isipan at ng mga tunog ang aming pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin naming sa panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at ako’y humanga.
Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.
Ang pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan.
Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral naming sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak. .. nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral naming ang nakababatid na siya’y hindi balo.
Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon. Ang paglaki nang mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang nakapagpapahayag ang aming guro ng isang pangamba ang pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang ang mga bagay na “pinagtitiisang” pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit na iyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala.
Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon siya’y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak- at isang mabuting manggagamot.
Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang bumulong: “Gaya ng kanyang ama!”
Narinig ng aming guro ang ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita.
“Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi.
Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan.
Matitiyak ko noong may isang bagay ngang malisya sa buhay niya. Malisya nang ganoon na lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot ang puso ko sa pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng gingawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang isang taong man lamang. Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon; ang mga kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang sinasabing, “Oo, gaya ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.
Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makakalimutan kailanman. Tinignan niya ako ng buong tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito : “Mabuti…mabuti gaya ng sasabihin nitong Fe-lyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan. Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin…”
Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon, ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking mga pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin ng umagang iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mga lihim na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan.
At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng kanyang mukha, muli niyang ipinamalas ang mga nagtatagong kagandahan sa aralin naming sa Panitikan. Ang karikatn ng katapangan; ang kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay.
At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat.

Maikling Kwento

Ang maikling kuwento - binaybay ding maikling kwento - ay isang maigsing salaysay hinggil sa isang mahalagang pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang tauhan at may iisang kakintalan o impresyon lamang. Isa itong masining na anyo ng panitikan. Tulad ng nobela at dula, isa rin itong paggagad ng realidad, kung ginagagad ang isang momento lamang o iyong isang madulang pangyayaring naganap sa buhay ng pangunahing tauhan. Si Edgar Allan Poe ang tinuturing na "Ama ng Maikling Kuwento."

Iba't Ibang Uri ng Maikling Kwento

  1. KWENTO NG PAKIKIPAGSAPALARANG MAROMANSA- sa ganitong kwento, ang pagkawili ay nasa balangkas sa halip na sa mga tauhan.
  2. KWENTO NG MADULANG PANGYAYARI- sa uring ito, ang pangyayari ay totoong kapuna-punaat makabuluhan at nagbubunga ng isang bigla at kakaibang pagbabago sa kapalaran ng mga taong nasasangkot.
  3. KWENTO NG KABABALAGHAN- nabubuo ang ganitong uri ng kwento dahil sa pniniwala ng mga tao sa mg bagay-bagay na kataka-taka.
  4. KWENTO NG KATUTUBONG KULAY- ang binibigyang diin ng awtor sa ganitong uri ng kwento ay ang tagpuan.
  5. KWENTO NG TALINO- ang pang-akit sa ganitong kwento ay wala sa tauhan ni sa tagpuan kundi sa mahusay na pagkakabuo ng balangkas.
  6. KWENTONG SIKOLOHIKAL- maraming nagsasabi na ito na marahil ang pinkamahirap sulating uri ng kwento.
  7. KWENTO NG PAG-IBIG- dito pag-ibig ang nangingibabaw na katangiang kumukuha ng interes ng mambabasa.
  8. APOLOGO- isng uri ng kwentong ang layunin ay hindi lumibang sa mga mambabasa kundi ang mangaral sa kanila.
  9. KWENTOG PANGKAISIPAN- ang pinkamahalaga sa uring ito ay ang paksa, diwa at kaisipan ng kwento.
  10. KWENTO NG PAGKATAO- ang nangingibabaw sa kuwentong ito ay ang katauhan ng pangunahing tauhan.
    God Bless....

Martes, Hunyo 26 2012

Istruktura ng Nobela

1. tagpuan - lugar at panahon ng mga pinangyarihan
2. tauhan - nagpapagalaw at nagbibigay buhay sa nobela
3. banghay - pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa nobela
4. pananaw - panauhang ginagamit ng may-akda a. una - kapag kasali ang may-akda sa kwento b. pangalawa - ang may-akda ay nakikipag-usap c. pangatlo - batay sa nakikita o obserbasyon ng may-akda
5. tema - paksang-diwang binibigyan ng diin sa nobela
6. damdamin - nagbibigay kulay sa mga pangyayari
7. pamamaraan - istilo ng manunulat
8. pananalita - diyalogong ginagamit sa nobela
9. simbolismo - nagbibigay ng mas malalim na kahulugan sa tao, bagay at pangyayari

Nobela

Mahabang kathang pampanitikan na naglalahad ng mga pangyayari na pinaghahabi sa isang mahusay na pagbabalangkas na ang pinakapangunahing sangkap ay ang pagkakalabas ng hangarin ng bayani sa dako at ng hangarin ng katunggali sa kabila -isang makasining na pagsasalaysay ng maraming pangyayaring magkasunod at magkakaugnay. Ang mga pangyayaring ito ay may kanya-kanyang tungkuling ginagampanan sa pagbuo ng isang matibay at kawili-wiling balangkas na siyang pinakabuod ng nobela.

3 komento: